Sunday, October 25, 2009
Friday, October 2, 2009
Friday, September 25, 2009
CAPO - Driving (Leprechaun Bar)
Ang pinakabagong kanta ng CAPO. Ito ang pangalawang pagtugtog namin ng kantang Driving. Hindi pa masyadong gamay. Nakainom na rin.
CAPO - Patay Sindi (Leprechaun Bar)
Ang aming unang gig sa Leprechaun Restaurant. Marahil ay alam nyo ang "Purple Haze" sa Tomas Morato. Ang dating Purple Haze ay tinatawag na ngayong Leprechaun.
Nakainom na kami dito.
Monday, September 21, 2009
Sunday, September 20, 2009
CAPO - Driving (Recorded Version)
Ang pinakabagong recording ng aming banda. Driving! Maaayri nyo itong mapanood sa orihinal na page sa youtube. Pwedeng iclick ang HD para marinig ng mas mabuti at makita ng mas magandang quality.
http://www.youtube.com/watch?v=0kxJ9mAsRe8
CAPO - Lakad Lang (2009)
Inulit namin ang recording ng "Lakad Lang".
Excited na ako ipakita, wala nang salita pa!
Panoorin ang video.
CAPO - Sa Ugoy Ng Duyan (Cover)
Sa gabi ng recording namin, ginawa namin ang isang impromptu. Ito ay para sa namayapang ina ng aming kaibigan na si Demo. Rest In Peace Angelita Valmores.
Sunday, September 6, 2009
CAPO - Forum Bites Gig
Ang aming pangalawang gig sa Robinsons Pioneer.
Tinatampok ng videong ito ang ilan sa mga cover songs na tinugtog namin sa gabing iyon.
Gig sa Robinsons Pioneer
Ang actual na gig namin sa Robinsons Forum (Robinsons Pioneer) ay nagtatampok ng tatlong set ng apatnapu't limang minuto ng tugtugan.
Sa nakaraang post, nabanggit ko na isa sa mga hinahangaan namin si ginoong Jason Mraz. Ang kantang aming tinutugtog sa videong ito ay "I'm Yours" ni Jason Mraz. Isang makasaysayang kanta dahil kamakailan lamang ay naparangalan ito bilang pinakamatagal na kanta sa Billboard top 100. Nabreak nito ang record ng kantang "How Do I Live" ni LeAnne Rimes na tumagal ng 69 linggo sa naturang listahan. Ang I'm yours ay kasalukuyang nasa 71 na linggo na sa listahan at patuloy pa itong tatagal.
Ensayo
Isa sa aming mga ensayo na nairecord sa video.
Ginagawa namin dito ang mga kantang tutugtugin namin sa Robinsons Pioneer. Nabanggit ko na nag audition kami sa nasabing lugar sa isang post ko dito.
Natanggap naman kami at panahon na upang mag ensayo. Nabanggit ko din sa isa pang post na sinubukan namin ang condenser mic. Ganito pa din ang set up, nagkaroon lang ng kaunting problema sa Direct Box ng baho o ng bass guitar na hawak ni Momar. Nagkaroon ng clippings sa lakas ng recording. Pasensya na ulit sa audio quality.
CAPO sa Telebisyon
Isa sa aming mga gig na ipinalabas sa telebisyon.
Kamakailan laman ay naimbita kami na tumugtog sa show ni ginoong Jojo Alejar na tinatawag na Jojo A. All The Way. Ang sound provider ay ang Modular Display na pag aari ni ginoong Alvin Quisumbing ang naging daan para makasama kami dito.
Maaari nyo silang makita sa kanilang mga website:
http://jojoa-alltheway.tk
http://modulardisplaypro.com
Mayroon pa kaming pangalawang guesting na ipapalabas sa buwan na ito. Stay tuned!
The Way You Look Tonight (Cover)
Isa sa mga awitin ng batikang mang aawit na si Ginoong Frank Sinatra.
Sinusubukan lang namin ang aking bagong condenser microphone. Sa mga susunod na video, may mga ganitong jamming pa din.
Pasensya na sa ingay na inyong maririnig sa likod ng video. Malakas ang ulan sa labas at hindi namin mapigilan na masagap ng mikropono ang ingay.
CAPO (si John at Bogs, wala kami nila Momar at Ja)
Isang cover song na tutugtugin nila sa kasal ng kaibigan ng kapatid ng kasamahan sa trabaho ni Bogs. Parang ganon.
Or para mas simple, para sa kasal ng isa sa mga kasamahan sa trabaho ni Bogs.
Tumatanggap din pala kami ng mga ganitong gigs.
CAPO Playlist
Ang aming online playlist!
Gamit ang Youtube Annotations, gumawa ako ng isang playlist na nagtatampok ng aming mga orihinal na gawa.
Isa itong interactive video, pwedeng i-click para mapuna sa kasunod na video.
Maaari ko itong ikumpara sa menu ng isang DVD na pwede mong piliin ang mga bahagi o chapters na gusto mong panoorin.
CAPO - Live High @Robinsons Pioneer (Acoustic Cover)
Sinubukan naming muli ang pagtugtog ng mga cover songs sa labas na mundo, hindi laman sa internet at YouTube.
Ang kantang ito ay tinatawag na Live High. Isang orihinal na awit ng isa sa mga natatanging musikero na aming hinahangan - si Jason Mraz.
Tinugtog namin ang Live High at apat pang ibang kanta sa Robinsons Forum o mas kilala bilang Robinsons Pioneer. Ito ay isang audition o pagsubok kung makakapasok kami para sa regular na gig sa nasabing lugar.
CAPO - Band Profile
Matagal na ang aking huling blog. Ito na ang aking unang post sa buwan na ito.
Ang aming profile! Dito makikita ang mga detalye tungkol sa CAPO. Ang mga larawan, pangalan at mga impormasyon ng bawat isa at ng banda.
Tuesday, June 16, 2009
CAPO - Mga larawan sa nagdaang Youth For Peace Concert
Ang mga larawan sa nagdaang "Youth For Peace Concert". Makikita ang kabuuang koleksyon dito: http://capoband.multiply.com/photos/album/22/CAPO_-_Youth_For_Peace_Concert_Photos
CAPO - Umaga (Youth For Peace Concert)
Ang aming huling kanta para sa Youth For Peace Concert.
Ang "Umaga" ay isa sa aming mga awitin na tumutukoy sa kabataan. Bagay na bagay sa tema ng pagtatanghal.
Ang mensahe ng awitin ay para sa kabataan.
"Kilos kabataan, sarili'y palayain"
"Bumangon ka, kumilos ka!"
Kasabay din nito ang tugtugin na bagay na bagay na isaliw sa mga katagang aking nabanggit. Ang musika ay masasabi naming sakto. Hindi masyadong maingay ngunit "powerful".
Kaya't kabataan, tara na! Sumabay sa agos, bumangon sa dilim!
CAPO - Lakad Lang (Youth For Peace Concert)
Ang ikalawa sa tatlong kanta na aming ihihanda para sa Youth For Peace Concert.
Sa kabila ng kaunting delay at hindi pagkakaintindihan sa schedule, naging maayos naman ang lahat. Magagaling ang mga banda at buhay na buhay ang mga taong nanonood.
Narito rin ang ilang sa aming mga kaibigan na walang sawang nagpapakita ng suporta sa CAPO.
Maraming salamat!
CAPO - W8 Lang (Youth For Peace Concert)
Kamakailan lamang ay napasama ang aking banda sa isang
kaganapan na tinatawag na "Youth For Peace Concert". Ang konsiyerto ay tatakbo sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
Itinatampok ng Youth For Peace Concert and mga bigating banda at performers ng bansa. Kasama na dito ang tinaguriang "Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano. Nariyan din ang mga bandang kinahuhumalingan ng karamihan, ang Spongecola, Chicosci, Kamikazee, MYMP, at marami pang iba.
Ang aking banda ay tumugtog sa ikalawang gabi ng pagtatanghal. Mabuti na lamang at nakisama ang panahon at hindi umulan. Naging maayos ang pagtugtog ng mga banda at artista na siya namang ikinatuwa ng walang pagod na manonood. Maganda at mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa bawat banda at artista sa kabila ng pagkakaiba sa tugtugan o "genre".
Sa mga organizers at staff, maraming salamat sa pagkakataon na maging parte ng Youth For Peace Concert!
Tuesday, May 19, 2009
Tuesday, May 12, 2009
Wednesday, April 29, 2009
Kay tagal... My Redemption
Ang istraktura ng kantang ito ay simple lamang, isang acoustic guitar na kadalasan naman na maririnig sa kahit anong awitin namin. Isang baho o bass guitar ang ginamit ni Momar. Ang nadagdag lang ay ang pag gamit ko ng strings at violin. Idea ito ni Angela Yap. Mas bagay nga naman na mala-orchestra ang dating hindi ba?
Ito ang aming bagong kanta, kasabay ng isang bagong taon ng CAPO. Kasabay ng pagtapos ko nito ay ang aming ikalawang taon bilang banda. Kaming lima sa grupo, bilang isang banda.
Matagal tagal na din iyon, maraming nangyari at maraming nagbago. May maganda at meron din naman na hindi kagandahan. Nakilala namin ng husto ang bawat isa.
Isang taon na naman ang lumipas ngunit wala pa rin ang mailap na album. Nararamdaman kong malapit na din yon. Nararamdaman ko na na malapit na din ang inaasam asam na album. Ngayon mga dadating na buwan, lalo naming pagbubutihan ang aming mga ginagawa at sana naman ay makamit na namin ang aming hinihintay. Eto na to. Walang atrasan. Lahat ng gusot ay dapat ayusin. Malapit na, konting hintay na lang.
Dami ko pa sinabi eh. Heto na ang kanta:
Saturday, April 4, 2009
Medyo matagal na ito pero naisip ko lang na ikwento. Noong isang linggo ay naganap ang EARTH HOUR. Nakisama at nakibaka naman kami sa mungkahi ng Earth Hour.
Maaga kaming nagsara ng ilaw at mga kagamitan. 8:30 pa ng gabi nakatakdang magpatay ng ilaw at magsimula ang Earth Hour. Nagpasya na lang kami na magpunta sa mall dahil gusto din namin makita kung makikisama sila.
Eto ang mga larawan namin sa SM San Lazaro sa Maynila.


Bago magsara ang mall ay umuwi na din kami. Paglabas namin, pinagmasdan ko ang mga bahay na nadadaanan. Ang karamihan ay nakisama din, isang bagay na aking ikinatuwa. Hindi ko inakala na madaming Pilipino din ang makikisama at susuporta sa ganitong cause.
Sana sa isang taon, mas madaming makisama at sumuporta sa earth hour.

Wednesday, March 25, 2009
Ang aming gig sa Mall of Asia.
Hatid ito ng Radio Pilipinas, Songwriters Philippines, Indie Pinoy, PXMX at ng SM Cyberzone. Nais ko lamang mag-share nga mga larawan at video ng naturang gig.
Nagpapasalamat kami sa mga kaibigan na sumuporta at nagpunta upang manood ng gig kahit na traffic at medyo malayo sa kanila ang SM Mall of Asia. Mabuhay kayo!
Headstock Musika
Ang Headstock Musika ay isang institusyon na nagtataguyod ng mga bandang Pilipino na pinapangunahan ko at ng aking girlfriend na si Angela Yap.
Mayroon kaming mga gigs bawat buwan na pinagtatampokan ng mga unsigned na banda sa Pilipinas. Tumutulong kami na magpalaganap ng musika lalong lalo na sa ating mga kababayan. Ang mga bandang tumutugtog sa aming mga gigs ay kadalasang nagtatapok ng mga orihinal nilang mga kanta.
Sa panahon ngayon, kung ikaw ay may banda at kayo ay nagfofocus sa original songs, mahirap humanap ng mga lugar kung saan kayo ay pwedeng tumugtog ng regular. Halos lahat ng mga bars ngayon ay mga regular na "show bands" ang tumutugtog. Kadalasan silang makikita sa mga lugar kung saan may "night life" tulad ng Eastwood City, Malate, Jupiter Makati at mga ganong lugar. Bibihira lang ang mga bars at lugar na nagtatampok ng mga bandang hindi pa nakikilala at nagpopokus sa mga orihinal na gawa.
Mahirap para sa mga ganitong banda na makakuha ng atensyon at pagkilala mula sa mga tao dahil sila ay nasa "underground scene" pa. Ang kadalasang tinatangkilik ng mga fanatics ay ang mga banda sa mainstream market. Halos lahat din naman nga mga bandang iyon ay nagmula din sa underground. Mahirap lang makakuha ng "break" para sa mga underground bands. Ang mga kababayan kasi natin ay hindi pa ganoon ka-bukas sa opinyon ng mga bagong musika na lumalaganap sa mga underground bands. Mahilig pa rin ang crowd sa mainstream acts na kadalasang kinatatampukan ng halos pare parehong tunog. Nandyan din ang novelty artists na napakadaling magka album at magrelease ng sariling gawa. Isa pang balakid ay ang mga artista na mayroong compilation album o dance album na hindi naman nila mismo ang nagsulat. Walang halong disrespect ngunit sa aking pananaw, ito ang pumapatay sa OPM. Halos lahat na yata ng artista sa "primetime" ng malalaking istasyon ay may album na. Kadalasan nga, novelty style at compilation album. Madali kasing kumita at bumenta sa mga tao ang ganitong klaseng release.
Sa kabilang banda, ang mga banda na gumagawa ng orihinal na musika ay nasa isang tabi at patuloy na nahihirapan sa paghahanap ng paraan upang magkaroon kahit kaunting break. Kahit na mismo sa paghahanap ng gig ay nahihirapan din sila. Ang mga recording labels at producer ay natatakot maglabas ng pera para sa mga bandang ito. Kahit alam nila na ito ang tama, hindi pa rin nila ginagawa. Malaking sugal sa kanila ang pagtustos sa mga bagong banda. Malaki din ang kanilang haharaping kompetisyon dahil nga sa mga naglipanang albums ng mga novelty stars. Isa pang kompetisyon ang mga banyagan banda at performers. Pinipilit nating mga Pinoy na makibagay sa makabagong musika. Nandyan na ang mga nauusong western music, mga rap at R&B. Bihira lang naman sa ating mga Pinoy ang Rap artists, nabawasan pa sa pagkawala ni Francis Magalona. Mas tinatangkilik pa ng iba sa atin ang mga foreign acts kaysa sa sariling atin.
Ilan lang yan sa mga hinagpis at daing ng mga artists at banda sa makabagong panahon natin ngayon. Ang hirap na pagdadaanan nila upang marinig lang sa radyo ang kanilang mga likha. Napakadaming paghihirap, pagtitis at gastos na dadaaanan kung gusto mo talaga.
Sa aking palagay, ang Headstock Musika ay isang daan, kahit maliit lang, upang tumulong sa mga kapwa musikero na magkaroon ng maliit na oportunity na makatugtog at maiparinig sa mga tao ang kanilang mga likhang awit.
Nakikipag partner kami sa mga institusyon na mayroong katulad na hangarin - both local at international na institusyon. Magiging mas madali pa nga siguro kung sa international scene makikilala ang bawat banda. Siguro sa ganoong paraan, kikilalanin din sila ng mga Pinoy na noong una ay hindi sila pinapansin. Isang magandang halimbawa na siguro dito si Arnel Pineda. Napakatagal na pala niyang may album, kung hindi pa sya kinuha ng bandang Journey ay hindi pa natin kikilalanin. Sadyang ganito yata talaga.
Gagawin namin lahat upang maiangat ang tingin sa mga banda at artistang Pilipino lalong lalo na sa larangan ng musika. Hindi kami titigil sa pagtulong at paghubog sa mga bandang naghihirap sa kanilang sariling bansa. Malayo man ang pangarap, naniniwala kami na may paraan para maabot natin ito. Naghahangad pa rin kami na maibalik ang dating yaman ng industriya ng musika at mabawasan ang kolonyal na pag iisip ng mga kapwa Pilipino. Naghahangad pa rin kami sa pagbalik ng sigla at pagtangkilik nga mga kapwa Pilipino sa ating sariling gawa at musika.
Para sa Headstock Musika, isa itong malaking goal. Alam namin na mahirap ang pagdadaanan. Hindi kami titigil, para sa pangalan ng musika. Ang musikang masasabi natin na sa atin.
PS
Kung nagtataka kayo kung bakit kami ganito, nais ko lang ipaalam na madami din kaming kakilala na nagdadaan sa hirap ng pagiging underground band. Kasama na din ang aming banda dito. Hindi lang ang aming pag asenso ang concern dito. May mga offers na din naman kami para maging isang mainsteam artist. Pero sa hirap ng pinagdaanan namin, gusto ko na mas mapadali para sa iba.
Tuesday, March 17, 2009
CAPO sa Watering Hole Edsa Shangri-La
Isa ito sa aming mga gigs sa mga nagdaang araw. March 14,2009 kami tumugtog dito. Pasubali sa pagkaka delay ng aking post.
Ang event ay tinawag na "After Shift Jam" dahil ang mga pangunahing manonood ay mga empleyado ng mga call centers sa lugar na iyon. Dahil sa gabi ang kanilang mga pasok, sa umaga sila lumalabas para magpunta sa mga bars at magsaya. Isa itong gig sa umaga. Marahil ay hindi ito typical na night out para sa inyo ngunit sa kanila, eto ang kanilang gabi. Ang araw natin ay pahinga sa kanila, ang gabi naman sa atin ay kanilang panahon upang maghanap buhay. Ganyan ang buhay nga mga empleyado na nagtatrabaho sa call centers na foreign accounts ang serbisyo.
Ang gig na ito ay isang benefit gig para sa mga bata ng World Vision. Ang mga kikitain sa oras ng gig ay mapupunta sa foundation na iyon upang mapag aral ang mga kapos palad na bata na nagnanais na magkaroon ng maayos na edukasyon.
Kasama naming tumugtog si Ram Chaves ng Pinoy Idol. Siya rin ang nag imbita sa amin upang tumugtog sa event na ito. Ang mga kikitain ay mapupunta rin sa GMA foundation upang makatulong din sa iba pa nating mga kababayan na nangangailangan. Si Ram mismo ang nag ayos ng gig na ito para sa nasabi kong kadahilanan. Ang kanilang banda ay tinatawag na "Ram Chaves Band". Ang kanilang album ay lumabas na at ito ay pinagalanan nilang "Sutil". Ang kanilang carrier single ay ang kantang "Kol Center" na ngayon ay highly circulated na sa mga radyo.
Maayos naman ang kinalabasan ng gig. Pagkatapos ay umuwi na si Bogs upang magpahinga, ang mga natirang mga ka banda ay nagpunta sa mall upang kumain. Matapos iyon ay naghiwahiwalay na din upang umuwi.
At sa aking pagtapos ng blog na ito, iiwanan ko sa inyo ang mga videos ng CAPO sa After shift Jam:
CAPO sa Southville Las Pinas

Tumugtog ang aking banda sa Southville Las Pinas kahapon, Marso 16 taong 2009. Isa itong graduation ball para sa mga estudyante ng HRM doon. Maayos naman ang set ngunit medyo mahina ang tunog dahil maliit lamang ang lugar na aming tinugtugan. May mga banyagang estudyante sa institusyon na ito kaya't mga ingles na kanta ang aming tinugtog. Kasama na dito ang mga covers o tinatawag din na revivals ng karamihan. Tumugtog din kami ng mga orihinal na kanta ng aming banda para sa kanila. Naging maayos naman ang presentasyon ng mga estudyante at tila naging masaya naman ang lahat.
Ang pagkain at set up ay makabago at nakabalangkas sa isang fine dining restaurant. Ang mga estudyante mismo ang nag ayos, nagluto, namalakad at gumastos para sa gabing iyon. Mayroon kaming kaunting larawan at videos na nakuha. Heto ang ilan sa mga tinutukoy ko:
Heto ang kanilang apple crepe. Ang matamis na pagkain ay hango sa mansanas, cinnamon na nilagyang ng tsokolateng syrup, ice cream, whipped cream at cherry.
CAPO habang tumutugog.
Ang aming hapag.Ang aming bersyon ng "Chasing Pavements" ni Adelle.
Ang aming bersyon ng "The Way You Look Tonight"
Isa sa mga orihinal na kanta ng aming grupo. Emily ang pamagat.
Monday, March 9, 2009
Salamat Francis Magalona

Kamakailan lamang ay pumanaw na ang ating "Master Rapper" na si Francis Magalona. Naiwan nya ang kanyang asawa at walong mga anak. Naiwan din nya ang madaming mga kaibigan at tagahanga. Nakakalungkot isipin na wala na sya. Lahat ng gabi ay iba na dahil mas malamig ang COLD SUMMER NIGHTS sa mga naiwan nya. Hindi makakatulog pa tila MGA PRANING. Lahat ay nalungkot dahil isa sya sa mga prominenteng HipHop icon ng Bansa. MGA KABABAYAN, lahat ng ito ay lumipas sa pagpanaw ni Kiko. Hindi na nakakapagtaka na halos lahat ay nakakakilala sa kanya dahil sa tagal na nya sa industriya ng musikang Pilipino. Nakilala din sya sa mga Patriotic songs at sa mga kolaborasyon niya sa mga ibang arists. Hindi lang sa pag awit kundi sa pagiging isang director at photographer. Dito lalong dumami ang kanyang FRIENDS kaya't mas maraming nalungkot sa kanyang pagkawala - patungo sa kanyang bagong KALEIDOSCOPE WORLD. Ipagdasal natin siya para naman makapagpakita tayo suporta at WHOLE LOTTA LOVIN!
Note:
Ang mga salitang may malalaking letra ay mga titulo ng ilan sa mga kanta ni Francis Magalona na aking kinalakihan. Sayang! Nasa proseso pa naman sila ng kaibigang si Ely Buendia (Eraserheads/Pupil) ng pagsasa plaka ng isang Collaboration album na tinatawag na "The Sickos Project".
God bless you, Francis M.!
Kamalasan sa kalsada
Tapos na ang ensayo nang magpasya kaming magsi-uwian at magpahinga na sa kanikaniyang mga tahanan. Si Lee, bumalik sa San Juan, si Ja naman ay may dadaanan lang sandali. Ako, si Angela at si Bogs ay nagpasyang pumunta sa aking bahay. Dito na daw kasi magpapasundo si Bogs kay Demo - ang kanyang mabuting kaibigan na laging nandyan lalo na sa mga oras ng pangangailangan. Hindi kasi alam ni Demo ang studio na aming pinuntahan kaya't nagpasya si Bogs na dito na lamang dahil maka ilang beses na din nakapunta dito si Demo.
Naghintay kami ng mga ilang minuto at dumating din si Demo kasama si Carmela, na gaya KO at ni Demo, isa din sa mga butihing nilalang sa buhay ni Bogs. Agad niyang tinawagan si Bogs na lumabas na sa bahay. Ayos na sana, makakapagpahinga na sana si Bogs dahil pagod din sya sa trabaho at dagdag pa ang pagod ng pag eensayo namin.
Paglabas namin ng pinto ay nakadama ako ng kaunting pagtataka. "May problema yata" ang sabi ko sa sarili. At ayon na nga, ayaw daw umandar ng kotse ni Demo na tinatawag nila sa pangalang "Edward". (sana tama ang aking pagkaka alala) Mukhang naubusan yata ng baterya si Edward, Yan ang unang diagnosis. Nagmistulang kandilang unti unting nauupos si Bogs dahil siya ay pagod na nga. Walang ibang paraan kundi tumawag ng mekaniko para magkumpuni kay Edward. Hindi namin sya pwedeng i-jumpstart o mas pamilyar sa tagalog na "kadyot" para mapaandar dahil Automatic ang transmisyon ng sasakyan. Nagpasya si Demo na tumawag sa mekaniko kahit mag aalas dose na ng gabi. Nagkausap naman sila ngunit hindi na mapupuntahan dahil malayo pa ang panggagalingan.
Ang payo ng mekaniko:
Tumawag ng taxi at hiramin ang baterya hanggang makauwi sila sa Pasig at doon na lang ulit magpalit muli.
Samakatuwid, ginawa naman namin iyon. Buti na lang pumayag ang taxi driver sa ganoong kundisyon at pabor.
Hindi pa dyan nagtatapos lahat. Kalahati pa lang yan...
Sinimulan ni Demo na hanapin ang kanyang mga kagamitan o tools para masimulan na ang pagpapalit ng baterya. Sa kasamaang palad, mukhang hindi nya ito nadala. Wala din namang baon na kagamitan ang taxi driver. Unusual yata yon para sa isang taxi na maghapon sa kalsada na walang dalang tools. Bumalik ako sa aking kwarto, wala naman akong gamit dahil wala naman akong sasakyan dito. Ang meron lang ako ay isang long nose pliers. Sinubukan namin ngunit sadyang mahigpit at mahirap matanggal ang mga bolts and nuts na nakakabit.
Gamit ang taxi na inabala namin, nagdesisyon na lang na kunin muna ang tools sa bahay ni Angela. Hindi naman malayo iyon at siguradong meron doon dahil ang kanyang ama ay may isang malaking baul o chest ng mga kagamitan. Si Carmela ang kasama ni Angela sa pagkuha ng mga gamit sa kanila.
Pagdating na pagdating nila ay sinimulan na ang pagbaklas. Agad kong napansin sa mukha ni Bogs na nagkakaroon ng pag asa. Sinubukan namin tanggalin ang mga turnilyo at mga kable ngunit sadyang napakahigpit ng mga ito. Sa inip, nagyaya si Bogs na bumili ng maiinom sa nalalapit na tindahan. (buti bukas pa kahit madaling araw).
Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nabilog na ang nut na kumakapit sa mga kable. Wala na talagang pag asa na nakikita. Unti unting nanghina ang mga tuhod ni Bogs at umupo na lang sa passenger side ng sasakyan. Kailangan na din umalis ni Carmela kaya't sya na lang ang sumakay sa taxi na aming naabala. Naiwan ako, si Bogs, Angela at Demo na nag iisip.
Wala nang ibang paraan kundi i-tow ang sasakyan pauwi. Agad akong umupo sa kompyuter at naghanap ng 24 hour towing service. Da
hil sa naunang mga pagtawag, minabuti na muna ni Demo na bumuli ng prepaid credits para sa kanyang cellphone. Tumawag siya agad matapos na matanggap ang load. Dito na lalong inantok si Bogs at tila hinang hina na. Medyo mainit din at nakaka awa siyang pagmasdan. Hindi na nga nya namalayan na kinuhanan ko sya ng litrato habang natutulog sa loob ng sasakyan. Pawisan at walang galaw. Tahimik at walang imik. Ilang sandali pa ay dumating na ang tow truck na maghahatid sa kanila sa Pasig. Agad nilang inayos ang rampa at mga bagay na gagamitin upang makasiguradong ligtas at maayos na mabubuhat pauwi si Edward. Mabilis lang silang dumating kahit na sa Pasig din sila nagmula. Mabilis din nilang naiayos ang mga gamit at agad nang itinaas ang kotse sa rampa. Umakyat na si Bogs at Demo pagkatapos magpaalam sa amin ni Angela.Mga pagod at nag aalalang mukha ang nagpaalam sa amin. Hanggang dito lang kasi ang alam ko sa pangyayari. Pagdating nila sa Pasig ay hindi pa nila alam kung kasya ang trak sa maliit na eskininta patungo sa garahe nila. Pwede siguro sa kalsada pero masikip din. Pwede din sa malaking kalsada siguro? Ang problema lang, medyo magastos ito. Tow na kagabi, tow ulit ngayon papunta sa Rapide, ang talyer kung saan ito kukumpunihin. Mukhang malaki-laking gastos ito. Siguro naman naging maayos din ang lahat. Lahat naman ng bagay nagagawan ng paraan.
Kung ano man ang nangyari, babalitaan ko kayo. 'Di kaya, hintayin nyo lang ang comment ni Bogs sa blog na ito. Malamang, siya na ang magkwento ng katuloy. (kung nakaya pa nya ang antok at naaalala pa nya ang mga nangyari)
Haba na nito, hanggang dito na lang muna.
-Rommel
Friday, March 6, 2009
Lungkot sa magdamag! :'-(
Nakakatamad dahil nagising ako ng 10:00 ng gabi. Nakakainip dahil wala akong mapuntahan, wala akong makausap o maka-text. Halos lahat sila ay tulog, yung iba naman pang gabi sa call center. Maka-chat mo man, mas nakakainip dahil napakatagal sumagot.
Ginagawan ko ng paraan ang mga ganitong pagkakataon sa pamamagitan ng paghalukay sa internet. Alas tres na ng madaling araw habang sinusulat ko ito, halos lahat ng alam kong website na interesado ako ay napuntahan ko na. Bumalik na lang ako sa aming munting YouTube page. Pinanood ko ang mga kalokohan namin na naka upload doon. Tinigil ko din paglipas ng ilang oras. Samakatuwid, nainip na ulit ako.
Sinubukan ko naman ayusin at linisin ang aking dalawang computer dito sa kwarto. Nagbura ako ng mga files na hindi naman kailangan at tinanggalan ko ng alikabok ang likod. Sigurado akong marami sa inyo na minsan lang maglinis ng computer, tama ba? Kapag nainip kayo gawin n'yo din to!
Matapos kong mapagod at maglinis, sinubukan ko namang ayusin ang aming video streaming channel. Dito kami mapapanood habang nag-eensayo. Wala naman sila dito kaya yung mga lumang videos na lang ang ipinalabas ko sa channel. Dito namin ginagawa ang mga "online gigs" na hinihiling ng mga kaibigan na nasa ibang lupalop ng mundo. Kapag nainip kayo, puntahan nyo naman, malay nyo nag eensayo kami sa oras na yon! http://www.ustream.tv/channel/capo-musika-live ang link na tinutukoy ko.
Pagkatapos kong magblog, wala pa ako naiisip na mapapaglibangan. Bahala na.
Eto, tapos na ko, ano pa kaya?
Thursday, March 5, 2009
Becoming A Connoisseur ni Bogs Castro
Nasabi ko na rin naman ang banda ko, lulubos lubusin ko na. CAPO ang pangalan ng banda ko. Ako ang tambolista, si Lee at Ja ang mga gitarista at si Momar sa baho. Ang bokaslita naman ay si BOGS -ang ating paksa sa unang blog ko.
Ang kanyang blog ay umiikot sa pagiging isang barista ng kape. Bukod pa doon, ipinapahayag nya ang kanyang pagmamahal sa kape hindi lang bilang isang empleyado ng Starbucks kundi bilang isang ordinaryong tao. Matagal tagal ko na din siyang nakakasama kaya't kilala ko na siya. Talaga namang mahilig sa kape ang taong ito! Bukod sa musika, siguro kape na ang kasunod nyang interes sa buhay. Kung nagkaalbum na kami siguro noon, siguradong "Kape Muna" ang titulo ng album.
Ang blog nya ay tumatalakay sa mga bagay bagay tungkol sa kape. Nandyan na lahat mula sa mga gamit nya, mga fundamentals at ang aking paborito - Ang tamang pamamaraan ng pag inom ng kape.
Sabi nya mayroong 4 S's (esses)
1. Siff - Ang pagsinghot. Literal
2. Slurp - Ang pagpasok ng kape sa bibig. Huwag munang lulunok!
3. Swish - Pagmumumog ng kape? Hmmm. Sabi nya ang bitter spots ng dila ay sa parteng likod, ayos yan. Sabi naman nya ang sweet spots daw ay sa gitna ng dila. Ang pagkakaalam ko naman ay sa parteng unahan o "tip" ng dila ang sweet spots ng mga taste buds.
4. Swallow - Ang paglunok ng kape. Dahan dahan dahil mainit!
Ang pagkakaalam ko dati ay dalawa lang. Ang 2 L's
Laklak at Lunok
Kailanagan ko pa bang ipaliwanag yan? Oh wag kang tumawa, alam kong ganyan ka rin!
Halos lahat naman yata sa atin ay hindi pa alam ang klase ng paginom ng kape na tinuro si Bogs.
Kaya't saludo ako sa blog nya! Ang paglalantad ng mga ganyang bagay ay nakakatulong sa mga taong tulad ko na hindi alam ang mga bagay bagay tungkol sa paksa na iyon.
Thumbs up para kay Bogs!
Kung gusto nyo syang makita, maari n'yo siyang puntahan sa kanyang Starbucks branch.
Pumunta lang sa Starbucks Home Depot Ortigas at magpatimpla ng kape ka Bogs. Subukan n'yong pagkumparahin ang mga nasabi kong pamamaraan. Kapag nandoon si Bogs, itanong nyo kung pano ang tamang gawin.
Maaari nyo din mabasa ang blog ni Bogs na tinutukoy ko sa http://bogsybill.blogspot.com/
-Yum
Tagalog blog!
Ang gusto ko lang gawin ay magbasa ng blog ng iba, mas maganda kasi na mabasa mo ang gawa ng isang tao para may matutunan ka din at malaman na mga bago. Isa na rin ay para makilala mo ang taong nagbo-blog, mas kilala sa tawag na "blogger".
Sa ngayo ito lang ang naiisip kong libangan para naman masabi ko din ang mga opinyon ko sa mga bagay bagay sa paligid. Ang sabi ko nga sa titulo ng blog ko: "Blog tungkol sa blog ng iba". Ang ibig sabihin, ibo-blog ko yung mga makikita kong blog. Kung anong makita ko dun, maganda, pangit, mabaho, mabango, babae, bakla, tomboy, bata, matanda at kung ano ano pang makaka kiliti sa aking interes.
Umpisahan na natin...